Monday, January 17, 2011

Heart of Worship



"I'm coming back to the heart of worship and its all about you. It's all about you Jesus."

Sana ganoon lang kadali. Sana ganoon lang kadali katulad ng kanta.

Hindi ko alam kung bakit nagsusulat na naman ako. Siguro marami na akong gustong sabihin na di ko kayang ikwento sa isang partikular na tao. Hindi ko alam, hindi ko kaya? Ayoko? O wala naman may interes na makinig?

Pero parang ang bigat kasi sa pakiramdam. Hindi mo alam kung ano talaga gusto mo sa gawin mo sa buhay mo. Hindi ko alam ang gusto ko. Parang wala pa ngang direksiyon. Di ko alam kung ano ang mangyayari sa akin bukas, di ko alam kung ano na ako pagkatapos ng sampung taon. Hindi ko alam kung anong buhay na ako mayroon sa paglipas ng panahon.

Akala ko noon nahanap ko na sa isa kong organisasyon ang purpose ko sa buhay. Kung ano dapat ang ginagawa ko sa yugto ng buhay kong ito. Isang samahan na ang layunin ay ipakilala si God sa mga estudyante at ilapit sila sa Kanya. Masaya na sana ako dahil bukod sa nahanap ko na kako ang purpose ko makakatulong pa ako sa iba. Masaya naman ako e, noong una.

Hindi ko alam kung ano talaga ang eksaktong nangyari. Nagbakasyon lang naman, nagpasko, nagbagong taon. Pero wala akong eksaktong pangyayari na maituro kung bakit ganito na ang nararamdaman ko ngayon. Kung bakit parang gusto ko na ulit hanapin ang sarili ko sa ibang direksyon, sa ibang daan. Hindi ko talaga alam.

Ngayon, nakikita ko na naman ang sarili ko gaya ng dati. Bago ako sumali sa organisasyon na iyon. Iyong taong ayaw na makita ulit ng mga tao sa paligid ko, 'yong tipo ng tao na aligaga sa lahat ng bagay, iyong walang alam, 'yong regular na gumagawa ng kasalanan, 'yong walang patutunguhan, 'yong dating ako na ayoko na sana balikan.


Alam ko, ako na ang may problema sa pagkakatong ito. Sinubukan ko bumalik. Sabi ko pa nga sa sarili ko, bakit ba ako umaayon sa dikta ng kaaway? Bakit ba ang hina hina ko? Dapat hindi ako padala sa nararamdaman kong ito, na i'm greater than my emotions. Susubukan kong ulit. Babalik ako.

Bumalik ako. Nakinig. Nakipag-usap. Nakipagkwentuhan. Nakipag-asaran. Pero parang hindi na katulad ng dati 'yong nararamdaman ko. Bakit parang hindi na ako komportable, parang hindi na ako kabilang dito. Hindi nga siguro ito ang purpose ko sa buhay.

Kapag nag-uusap sila tungkol sa mga plano nila sa mga susunod na araw, sa mga susunod na buwan, na pupunta sa ganito, na magbubusiness ng ganyan. Na si God na daw ang bahala sa lahat. Di na lang ako kumikibo, gusto kong maniwala kasi wala naman imposible kay Lord e, basta maniwala ka lang. Pero bakit ganoon? Hindi ko alam pero parang ang daming umiikot sa utak ko. Hindi ako komportable sa ganitong usapan. Naiinis ako. Bakit di ko kayang maniwala ng lubusan? Bakit ang hina hina ko?

Biro ko nga sa mga kaibigan ko, new year resolution ko, be yourself. Na masama naman talaga ko e, na hindi ako bagay doon. Pero di ko pa talaga alam kung ano ako. Paano ko naman matutupad ang resolution ko.

Sabi ko sa iba, mag-aaral muna kasi ako, magpapahinga muna kako sa pagseserve. Pero di ko alam kung ano ang mangyayari pagkatapos...BAHALA na.