Sunday, April 15, 2012

ang labo.

Siguro mahigit tatlong buwan na rin ang nakalipas ng hindi ko na halos maintindihan ang mga nakasulat sa whiteboard dahil sobrang malabo na ang paningin ko kaht ilang metro lang naman ang layo ko sa mga ito. Madalas na rin akong mapagsabihang suplado dahil hindi daw ako namamansin pag may nakakasalubong ako, pero masisisi mo ba ako, hindi ko naman alam na sila 'yon, hindi ko nga maaninaw.

Napagdesisyunan ko tuloy na magpatinigin na ng mata at magpagaw kahit reading glasses lang, para sa kapanakan ko bilang estudyante at bilang isang kaibigan or kahit kakilala man lang.

Mataas na pala ang grado ng mata ko, 100-125, right-left, hindi ko alam kung maitatama pa ito o mas lalabo, wag naman sana. Sa umpisa mahirap, bukod sa nahihilo ako, o naninibago lang, pakiramdam ko kasi hindi bagay sa akin ang magsalamin. Ngunit pinagtiyagaan ko, para naman mas guminhawa buhay ko sabi naman ng iba ok lang naman tingnan sa akin, mukha daw akong bata at mabait. Natuwa naman ako doon kaya pinanindigan ko na.

Sa malabong pamumuhay na ito may nakita akong oportunidad na makatulong. Malabo ba? Ganito kasi 'yon, ewan ko pero noong hindi pa ako nagsasalamin wala naman masyadong nagtatanong sa akin ng mga bagay bagay, halimbawa magtatanong ng direksyon. Ewan ko nga ba, ewan ko kung baka dati mukha akong suplado, adik o sadya lang na hindi mapagkakakatiwalaan. Pero simula noong nagsalamin na ako, madalas na akong lapitan ng mga tao para humingi ng tulong o magtanong man lang. Sa pila sa enrolment, sa MRT LRT, sa bus terminal at marami pang iba. Natutuwa ako sa mga nangyayari, alam mo 'yon yung simpleng makatulong ka kahit papaano sa mga tao, kahit sobrang liit lang, ang saya sa pakiramdam. :)

Hindi rin ako sigurado kung sa salamin nga ba ito, pero may isa pang teorya ang isang malapit na kaibigan. Hindi naman daw siguro sa salamin, siguro dahil sa masaya ka lang kaya nagraradiate sa ibang tao, nararamdaman nila kumbaga. Napag-isip ako sa sinabi niya, baka nga, baka nga tama siya, kasi sa mga panahon ngayon sobrang saya ko talaga sa wala naman konkretong dahilan at simula noon napansin ko na lagi na akong nakangiti sa mga taong nakakasalamuha ko, lalo na sa mga estranghero, ang sarap lang sa pakiramdam kahit they don't smile back, paano pa kaya kung may sukling smile din. :)

Kahit lumabo ang mga mata ko, walang malabo sa mga nangyayari, kung masaya ang isang tao pati paligid mo masaya. Kasi nakakainspire ka. GOOD VIBES kumbaga.

Wednesday, February 1, 2012

happy feet 2.




Happy Feet 2.

Bilang na bilang ang mga pelikulang nagpaiyak sa akin at isa ito sa mga pelikulang naiyak ako. Hindi ako iyakin at hindi ako umiiyak dahil lamang sa panunuod ng isang movie. Pero hindi ko maintindihan, matatawa ka siguro kasi mga penguin naman sila, at walang dahilan para mairelate ang sarili sa penguin, kasi kailan man hindi ka naman magiging isa ka sa kanila. Oo siguro nga tama ka, sa pisikal na anyo siguro, pero sa mga pinakita nilang ugali at pakikisama, papatay ako parang sa mundong katulad nito.

Pinipilit kong intindihin kung bakit bigla na lang bumigat ang pakiramdam ko sa panunuod. Dapat hindi ba gumaan pa nga ang pakiramdam ko, kasi sobrang cute ng mga nilalang na 'to sa kanilang malilit na tuxedo? Pero pinaiyak lang nila ako. Sabi ko, baka dahil sa mga kanta, baka naawa ako sa mga na trap na penguin at baka mamatay sila. Pero hindi e, hindi 'yon ang mga dahilan. Napag-iisip ko, siguro dahil sa isang bagay, kasi napagtanto ko... wala ako kung anong meron sila, wala tayo.

Madaming gustong ituro ang movie sa atin. Pero mag focus lang ako sa dalawa.

Una. Kahit mahirap, kahit alam natin kung gaano kaimposible ang isang bagay, minsan masarap na may pinanghahawakan. Ito ang mga tagpo kung kailan nagtatampo si Eric sa mga magulang niya at kung kailan naniwala siya sa mga sinasabi ni Sven, na kesyo kaya niyang lumipad, na isipin lang niya ang mga bagay bagay na gusto niya mangyari, makakamit din niya ito. Siguro mali ngang maniwala sa mga bagay bagay na sabi sabi lang, na ang dahilan lang e para gumaan kung ano mang bigat ng dinadala mo. Minsan kahit hindi totoo, kahit minsan imposible. Sa tingin ko, wala namang masama dito. Hindi 'to pagtakas sa realidad o kung ano man, walang masama kung minsan nagtiwala ka sa kakayahan mo, walang masama kung minsan nagtiwala ka sa pagiging unpredictable ng buhay.


Pangalawa. Kahit sino ka pa, responsibilidad mo bilang tao na maging makatao. Hindi ko mailarawan sa isang pangungusap. Sa partikular na scene ako na ito ako nangilid ang luha ko, nang sabay sabay sumayaw ang iba't ibang uri ng hayop para masira or matunaw ang bloke ng yelo humarang sa dagat ng mga penguin, na pumipigil sa kanila na umalis sa lugar na iyon kahit man lang para kumuha ng pagkain. Naiyak ako kasi bakit sa mundong ginagalawan natin, sa totoong buhay ba kaya ba nating gawin 'yon? Kaya ba natin mag sakripisyo para sa buhay ng iilan? Kaya ba natin magsakripisyo kahit buhay pa natin ang nakataya? Kaya ba natin tumulong ng walang pag-aalinlangan? Kaya ba natin... Nakakalungkot kasi, parang hindi. Hindi kasi hindi naman madali.


Happy feet, siguro dahil sa pagsayaw, pero para sa akin ang mga happy feet na nakita ko, happy kasi may layunin, happy kasi may pinag-uukulan.




Original song from the movie by Pink: Bridge of Light



back like brokeback.

Pakiramdam ko wala akong napapala sa paunti-unting pagsulat ng kung anong nasa isip ko. Pero pakiramdam ko... kailangan kong gawin 'to.

Bilang gusto kong linangin ang talento ko sa pagsulat, kung mayroon man, susubukan kong magsulat sa regular na batayan, kung hindi man araw-araw, susubukan kong makapagsulat kahit isa sa isang linggo. Ng mga bagay na kung ano ano lang, kung anong uso, kung anong gusto mo, kung anong trip ko.

Kung wala man akong mambabasa. Wala naman sa akin 'yon, walang problema. Pero imposible...andiyan ka e, nabasa mo.


Thursday, January 26, 2012

be the good news.


Sa paghahanap ko ng mga kwentong makabuluhan sa intenet, para kumuha na rin ng konting inspirasyon. Nakita ko ito sa youtube, ito ang makabuluhan at dapat lang ibahagi.

Sa unang tingin, mukhang isa itong trailer ng fantaserye sa primetime. Muntik ko na ngang hindi panuorin, nakuha lang nito ang atensyon ko dahil sa magandang narration at videography. Kaya tinapos ko na rin. Hindi pala 'to fantaserye, higit pa.

Sa unang pansin, para sa iba nakakatawa kasi commercial pala ito para sa isang sikat ng broadsheet general circulation. Matatawa ka kasi parang hindi naman bagay. Pero hindi para bilhin mo ang dyaryo, o para mas piliin mo ito kumpara sa iba. Hindi naman 'yon ang punto ng commercial na 'to, may mas malalim pa.



"The only thing better in reading good news, is being good news."



Kung ano man ang ibinagay sayo, hindi nakakatulong ang lagi na lang magreklamo. Gawin mo kung ano ang tama, kung ano ang mabuti para sa'yo at mabuti para sa mga taong nakapaligid. Be yourself. Maximize your potentials.

Tanggapin at mahalin mo kung ano ang mayroon ka. Tanggapin at mahalin mo kung sino ka. Maging inspirasyon para sa iba. Maging magandang balita ka.



Wednesday, January 25, 2012

detached.


Naranasan mo na bang kumain ng mag-isa sa paborito mong fast food restaurant? e 'yong mag mall mag-isa o kaya manuod ng sine na ikaw lang?

Siguro, karamihan sa mga tao sasabihin 'oo' o kaya, 'madalas'.

Ako kailan ko lang din 'yon mga naranasan, ilang linggo lang siguro bago matapos ang 2011. Ang dami kong naranasan na mag-isa. Nandiyan na mag dinner sa labas, magpagupit, pumunta sa mall, 'gumala' or kung gala nga bang maituturing na sarili mong lakad lang 'yon, ikaw lang mismo...mag-isa.

Ako kasi 'yong tipo ng tao na nalulungkot pag mag-isa ko, gregarious. Gusto ko lang kasi may kahati sa mga pagkakataon, gusto ko may kasama akong tumawa, gusto ko may niloloko ako at may nanloloko sa akin, gusto ko ng kasama. Sa mga unang pagkakataon nga na lumabas ako mag-isa, kulang na lang umiyak ako kasi pakiramdam ko wala akong kaibigan. Ang hirap pala ng ganoon, pag nasanay ka na lagi kang may kasama. Sige, aminin natin na masarap mag-isa paminsan minsan, pero pag madalas...parang ang sarap na lang magpakamatay. Joke, OA naman 'yon.

Dumating din 'yong mga point na naghahanap na ako sa internet ng mga uplifting thoughts para mabawasan lang bigat ang bigat na nararamdaman ko.

Naniniwala ako dati na ang lahat ng taong dadaan sa buhay mo, 'dadaan' lang talaga. Ibig sabihin, walang permanenteng tao mananatili sa tabi mo. Halimbawa, 'yong panahon na high school ka, nandiyan lagi ang mga kaklase mo na araw araw mong nakikita, pakiramdam mo forever na nandiyan sila at wala nang iwanan, friends forever kumbaga, pero ano nangyari? Pagkatapos ng high school graduation minsanan na lang magkita, maswerte na once a year, ang mga dati mong kaibigan ipanagpalit ka na sa iba at ipinagpalit mo na din sila. Nasaan ang forever dun?

Siguro dadating 'yong point na sa pagdaan ng mga tao sa buhay mo mababago ka nila, pwedeng maging mas mabait ka or lumala. Sa mga pagbabago na lang na iyon mo sila maaalala tapos malulungkot ka pag umikot ulit sa utak mo ang mga panahon na kapiling mo sila. Nakakalungkot pero totoo. Totoo pero parang unfair.

Nabanggit ko ito kasi kaugnay 'to ng pag-iisa ko sa mga nakaraang mga linggo, ako yata ang tunay na forever alone. Kasi ang mga bago kong kaibigan na pumalit sa mga friends forever ko nung high school, parang unti unti nang lumalabo, pakiramdam ko unti unti na rin silang nawawala at iniiwan ako. Hindi ko sinasabi na nagpapamiss lang ako or gusto ko na habulin nila ako. Alam ko lahat naman na nangyayari ngayon e ako rin naman ang may kagagawan, ako rin naman may kasalanan kung bakit pakiramdam ko mag-isa ako.

Sa mga kaibigan ko sa religious org na sinalihan ko dito sa unibersidad noong 2009, nagtapos na sila at kung saan saan sulok ng bansa na sila naroon, sila 'yong mga tipo ng mga taong pag kasama ko sila pakiramdam ko ang bait bait ko at minsan ang sobrang sama naman. Siyempre mga mababait 'yon, pero mahal ko 'yong mga 'yon. Sila 'yong mga taong pakiramdam ko hindi makakalimot kahit kailan. Pero gustuhin ko man sila makasama ngayon, wala naman sila dyan sa malapit, kaya eto ako mag-isa.

Sa mga kabatch ko sa application sa isang org sa kurso ko at sa org ko na din mismo. Hindi ko alam. Wala akong masabi, ganyan ko kayo kakilala.

Sa grupo ko sa loob ng isang grupo, hindi ko na sila mahagilap, may mga org/frat/soro na rin kasi silang pinagkakaabalahan. Mahal ko mga 'yon, namimiss ko na nga sila e. Pero dahil busy nga sila, nagtitiyaga na lang akong mag-isa.

Sa mga kaibigan na katulad ko ng kurso, madalas ko kayong makita sa building natin kaso busy din kayo at hindi naman tayo madalas makapagkwentuhan kasi hindi ninyo naman ako kaklase. Kasi on-time kayo. Masaya ako na paminsan minsan nagkakasama pa rin tayo, pero namimiss ko lang 'yong dalas noong mga nakaraang taon. Isa pang dahilan kung bakit ang sabi niyo antisocial na ako, sabi ninyo kasi mas inuuna ko 'yong isang org ko na para sa lalawigan ko. Tama mas inuuna ko nga 'yon, naisip ko nga kung hindi ko 'yon inuna or kung wala man ako balak kumuha ng mas mataas na posisyon dun siguro sobrang close na natin, siguro hanggang ngayon madalas pa rin tayo magkasama, kahit hanggang dinner lang ng sabay sabay masaya na sana ako.

Sa mga ka-org ko naman para sa lalawigan ko, masaya ako sa mga orgmates ko, pero may mali sa pakiramdam, parang wala naman doon 'yong mga magiging kaibigan ko talaga, siguro masyado iba ugali ko sa kanila. Nakakatawa kasi nagkakaintindihan kami, parehas ng tinatawan, ng tinutukso, ng topic, ng laro, ng istorya, pero parang malayo pa rin ang loob ko, parang may pilit pa rin akong pinapasok na alam kong hindi para sa akin, kaya nananatili ako nakadistansya, mag-isa. Sa mga naging ka close ko sa org ko na 'yon. Wala na rin. Ni hindi ko na nga sila matext e, nahihiya na ako and/or ayoko na din kasi mareject. Kaya nakukuntento na akong ganito, keyboard na lang ang madalas kausap.

Sa tuwing may nangyayaring exciting sa buhay ko o 'yung mga tipo ng bagay na sa tingin ko dapat ko maikwento, lagi kong hinahawakan ang cellphone ko at ittype ko ang mga nangyari, pero hindi ko alam kung kanino ko issend. Kaya ang laging tapos, hindi ko na lang issend kahit sa drafts hindi ko isasave.

Alam ko ilan din ito sa mga dahilan kung bakit ganito ang sentimento ko sa buhay ngayon at kung bakit ganito ang madalas kong maramdaman, ang padeactivate ko ang facebook account ko (wala na siguro akong balak iactivate ulit) Pinalitan ko na din ang email address na gamit ko simula pa noong high school.

Kahit ganito, masaya ako sa mga naging desisyon ko. Kasi gusto kong gumawa ng panibagong yugto ng buhay, bagong yugto sa buhay ko, sa mas realistikong tagpo.

Habang sinusulat ko ang post na ito, narealize ko madami pala akong kaibigan o sabihin nating naging mga kaibigan. At sa bagong yugto ng buhay na aking binubuo, sana makasama ko pa sila. Pero kung hindi na, maiintindhan ko na tapos na ang misyon niyo para sa akin. Salamat sa pagdaan at pagbago ng aking buhay.

Sa muling pagkukrus ng ating mga daan.

Umaga na pala, may report pa ko mamaya.