Wednesday, January 25, 2012

detached.


Naranasan mo na bang kumain ng mag-isa sa paborito mong fast food restaurant? e 'yong mag mall mag-isa o kaya manuod ng sine na ikaw lang?

Siguro, karamihan sa mga tao sasabihin 'oo' o kaya, 'madalas'.

Ako kailan ko lang din 'yon mga naranasan, ilang linggo lang siguro bago matapos ang 2011. Ang dami kong naranasan na mag-isa. Nandiyan na mag dinner sa labas, magpagupit, pumunta sa mall, 'gumala' or kung gala nga bang maituturing na sarili mong lakad lang 'yon, ikaw lang mismo...mag-isa.

Ako kasi 'yong tipo ng tao na nalulungkot pag mag-isa ko, gregarious. Gusto ko lang kasi may kahati sa mga pagkakataon, gusto ko may kasama akong tumawa, gusto ko may niloloko ako at may nanloloko sa akin, gusto ko ng kasama. Sa mga unang pagkakataon nga na lumabas ako mag-isa, kulang na lang umiyak ako kasi pakiramdam ko wala akong kaibigan. Ang hirap pala ng ganoon, pag nasanay ka na lagi kang may kasama. Sige, aminin natin na masarap mag-isa paminsan minsan, pero pag madalas...parang ang sarap na lang magpakamatay. Joke, OA naman 'yon.

Dumating din 'yong mga point na naghahanap na ako sa internet ng mga uplifting thoughts para mabawasan lang bigat ang bigat na nararamdaman ko.

Naniniwala ako dati na ang lahat ng taong dadaan sa buhay mo, 'dadaan' lang talaga. Ibig sabihin, walang permanenteng tao mananatili sa tabi mo. Halimbawa, 'yong panahon na high school ka, nandiyan lagi ang mga kaklase mo na araw araw mong nakikita, pakiramdam mo forever na nandiyan sila at wala nang iwanan, friends forever kumbaga, pero ano nangyari? Pagkatapos ng high school graduation minsanan na lang magkita, maswerte na once a year, ang mga dati mong kaibigan ipanagpalit ka na sa iba at ipinagpalit mo na din sila. Nasaan ang forever dun?

Siguro dadating 'yong point na sa pagdaan ng mga tao sa buhay mo mababago ka nila, pwedeng maging mas mabait ka or lumala. Sa mga pagbabago na lang na iyon mo sila maaalala tapos malulungkot ka pag umikot ulit sa utak mo ang mga panahon na kapiling mo sila. Nakakalungkot pero totoo. Totoo pero parang unfair.

Nabanggit ko ito kasi kaugnay 'to ng pag-iisa ko sa mga nakaraang mga linggo, ako yata ang tunay na forever alone. Kasi ang mga bago kong kaibigan na pumalit sa mga friends forever ko nung high school, parang unti unti nang lumalabo, pakiramdam ko unti unti na rin silang nawawala at iniiwan ako. Hindi ko sinasabi na nagpapamiss lang ako or gusto ko na habulin nila ako. Alam ko lahat naman na nangyayari ngayon e ako rin naman ang may kagagawan, ako rin naman may kasalanan kung bakit pakiramdam ko mag-isa ako.

Sa mga kaibigan ko sa religious org na sinalihan ko dito sa unibersidad noong 2009, nagtapos na sila at kung saan saan sulok ng bansa na sila naroon, sila 'yong mga tipo ng mga taong pag kasama ko sila pakiramdam ko ang bait bait ko at minsan ang sobrang sama naman. Siyempre mga mababait 'yon, pero mahal ko 'yong mga 'yon. Sila 'yong mga taong pakiramdam ko hindi makakalimot kahit kailan. Pero gustuhin ko man sila makasama ngayon, wala naman sila dyan sa malapit, kaya eto ako mag-isa.

Sa mga kabatch ko sa application sa isang org sa kurso ko at sa org ko na din mismo. Hindi ko alam. Wala akong masabi, ganyan ko kayo kakilala.

Sa grupo ko sa loob ng isang grupo, hindi ko na sila mahagilap, may mga org/frat/soro na rin kasi silang pinagkakaabalahan. Mahal ko mga 'yon, namimiss ko na nga sila e. Pero dahil busy nga sila, nagtitiyaga na lang akong mag-isa.

Sa mga kaibigan na katulad ko ng kurso, madalas ko kayong makita sa building natin kaso busy din kayo at hindi naman tayo madalas makapagkwentuhan kasi hindi ninyo naman ako kaklase. Kasi on-time kayo. Masaya ako na paminsan minsan nagkakasama pa rin tayo, pero namimiss ko lang 'yong dalas noong mga nakaraang taon. Isa pang dahilan kung bakit ang sabi niyo antisocial na ako, sabi ninyo kasi mas inuuna ko 'yong isang org ko na para sa lalawigan ko. Tama mas inuuna ko nga 'yon, naisip ko nga kung hindi ko 'yon inuna or kung wala man ako balak kumuha ng mas mataas na posisyon dun siguro sobrang close na natin, siguro hanggang ngayon madalas pa rin tayo magkasama, kahit hanggang dinner lang ng sabay sabay masaya na sana ako.

Sa mga ka-org ko naman para sa lalawigan ko, masaya ako sa mga orgmates ko, pero may mali sa pakiramdam, parang wala naman doon 'yong mga magiging kaibigan ko talaga, siguro masyado iba ugali ko sa kanila. Nakakatawa kasi nagkakaintindihan kami, parehas ng tinatawan, ng tinutukso, ng topic, ng laro, ng istorya, pero parang malayo pa rin ang loob ko, parang may pilit pa rin akong pinapasok na alam kong hindi para sa akin, kaya nananatili ako nakadistansya, mag-isa. Sa mga naging ka close ko sa org ko na 'yon. Wala na rin. Ni hindi ko na nga sila matext e, nahihiya na ako and/or ayoko na din kasi mareject. Kaya nakukuntento na akong ganito, keyboard na lang ang madalas kausap.

Sa tuwing may nangyayaring exciting sa buhay ko o 'yung mga tipo ng bagay na sa tingin ko dapat ko maikwento, lagi kong hinahawakan ang cellphone ko at ittype ko ang mga nangyari, pero hindi ko alam kung kanino ko issend. Kaya ang laging tapos, hindi ko na lang issend kahit sa drafts hindi ko isasave.

Alam ko ilan din ito sa mga dahilan kung bakit ganito ang sentimento ko sa buhay ngayon at kung bakit ganito ang madalas kong maramdaman, ang padeactivate ko ang facebook account ko (wala na siguro akong balak iactivate ulit) Pinalitan ko na din ang email address na gamit ko simula pa noong high school.

Kahit ganito, masaya ako sa mga naging desisyon ko. Kasi gusto kong gumawa ng panibagong yugto ng buhay, bagong yugto sa buhay ko, sa mas realistikong tagpo.

Habang sinusulat ko ang post na ito, narealize ko madami pala akong kaibigan o sabihin nating naging mga kaibigan. At sa bagong yugto ng buhay na aking binubuo, sana makasama ko pa sila. Pero kung hindi na, maiintindhan ko na tapos na ang misyon niyo para sa akin. Salamat sa pagdaan at pagbago ng aking buhay.

Sa muling pagkukrus ng ating mga daan.

Umaga na pala, may report pa ko mamaya.




0 comments:

Post a Comment