Monday, December 21, 2009

sana masaya ka ngayon.

Kay bilis ng panahon. Pitong taon na rin pala ang lumipas, pero parang kailan lang.
Dec 22 na ulit.
Ang araw kung kailan ko kauna-unahang maranasan ang mawalan.

Una ko kasing namatayan ng kamag-anak simula ng ipinanganak ako. Hindi naman talaga ito una, pero ito ang una kung kailan naiintindihan ang lahat, alam ko na ang nangyayari, alam ko na kung saan siya pupunta, alam ko na kung para saan ang bawat pagluha, kung kailan alam ko nang hindi na namin siya muling makakapiling.

Dec 22, 2002. Madaling araw ng pumanaw ang aking lola. Si ina. Tanging ubo lang ang huli niyang pagpapaalam. Ginising ako ng ate ko mula sa mahimbing kong pagtulog noon at sinabi ang balita habang namumugto ang mata. Ayokong maniwala, ayokong marinig ang kanyang sinasabi, pinipilit kong gumising sa masamang bangungot ng realidad. Pero nabigo ako. Kailangan ko siyang makita.

Naabutan kong umiiyak ang mga pinsan kong nakasilip sa bintana ng bahay ni ina. Nakakabingi ang bawat palahaw, at pagtawag sa pangalan niya. Ngayon kailangan ko nang maniwala, kailangan ko nang tanggapin. At unti-unting tumulo ang aking luha. Walang ingay, pero mabilis, madami at tila hindi titigil.

Anim na araw namin siyang binantayan. Anim na araw na pagpupuyat. Ang huling anim na araw na makakapiling namin ang pinakamamahal kong lola.

Sa loob ng mga araw na iyon naging mabilis ang bawat oras. Kahit pasko, naging ordinaryong araw lang. Ayokong matapos ang mga araw na iyon, hindi pa ako handa na tuluyang magpaalam sa taong naging pangalawa kong nanay. Pero sa matuling takbo ng oras, mabilis din dumating ang araw na kinatatakutan ko.

Kahit pitong taon na ang lumipas, sariwa pa ang mga alaala.

Mahal na mahal kita. At kailan man hindi kita malilimutan. Balang araw magkakasama din tayo sa piling Niya. At pagdating ng araw na iyon, isang mahigpit at matagal na yakap ang aking isasalubong.

Namimiss kita. Namimiss ka namin. Sana masaya ka sa piling Niya.

Thursday, December 17, 2009

defense mechanism.

Sana defense mechanism din ang sa kanya.

Pinipilit kong pakitunguhan siya na iba kumpara sa isang matalik na kaibigan.
Mas mababa.
Siguro isa lang na normal na kaibigan...
o isang kakilala.

Di ko alam kung bakit ginagawa ko 'to sa kanya. E kung tutuusin wala naman talagang espesyal na relasyon na namamagitan sa amin. Kahit nga lang kabilang sa mga taong masasabing close niya, wala ako. Pero sa akin, kabilang siya. Pero itinatanggi ko. Siguro bilang kapalit kung paano siya makitungo sa akin. Siguro gusto ko pantay lang. Siguro defense mechanism.

Dati ko pa itong isyu pero di pa rin mamatay. Iniisip ko nga, ano ba itong ginagawa ko, para tuloy mas espesyal pa siya sa iba. Kasi sa kanya ko lang ginagawa ito. Pero gustong-gusto ko nang totohanin. Wala naman kasi talagang kakaiba, isa lang siya sa napakarami kong kakilala. Walang kakaiba. Pramis.

Bitter lang siguro ko.

Friday, December 11, 2009

isa sa loob ng siyam na madaling araw.

Namulat ang aking mata. Nagising ako ng atungal ng mga tandang na manok sa madaling araw. 3am. Pinipilit kong bumangon, ngunit mabigat pa rin ang talukap ng aking mata. Parang may kung ano sa aking higaan, parang may kung anong karisma ito at ayaw kong iwanan. Idagdag pa ang simoy ng hangin, malamig, mabango, ang sarap managinip at manatili sa ibang mundo. Ngunit kailangan nang bumangon may katatagpuin pa ako. Sa loob ng siyam na madaling araw. Sana di ko siya mabigo. Isang genie.

Malapit na ulit ang simbang gabi. 4 na tulog na lang. Muli, malalanghap sa hangin ang sarap ng bibingka at puto bumbong sa madaling araw. Muli, susubukan ko na namang gumising ng maaga para makapagsimba. Muli, mapupuno na naman ang simbahan ng mga tao. Ilan para sa kinalakihan, ilan para sa pananampalataya at ang marami para sa katuparan ng isang kahilingan.

Mula ng marinig ko ang usap-usapan sa lugar namin tungkol sa simbang gabi, tungkol sa isang kahilingan, pinipilit ko nang gumising ng siyam na araw tuwing sasapit ang mga panahon na iyon. Nagtagumpay ako. Minsan. Isa.

Isa. Medyo mahirap din ang gumising ng ganoong kaaga araw-araw, pero nagawa ko. Isang beses. Ngunit di naman natupad ang wish ko. Iyon ang natatandaan ko. Siguro dahil sa loob ng siyam na araw na iyon mahigit kalahati late ako o dahil mahigit kalahati hindi ako naligo o dahil madami akong wish o kaya hindi totoo, hindi totoo ang sabi-sabi.


Panakot o pang-enganyo siguro ng matatanda sa anak nila ang katuparan ng kanilang kahilingan. Siguro kung wala ang ganitong paniniwala baka hindi mapuno ang simbahan o walang tao sa basketball court habang nagmimisa. Wala sigurong mga magkasintahan sa mga parking lot ng simbahan ang nagpapawian ng lamig ng kapaskuhan. Siguro konti lang ang magsisimba nang umagang kaysarap matulog at managinip.

Siguro ganoon talaga ang buhay, tulad sa paniniwala sa isang kahilingan kapalit ng siyam na araw na sakripisyo. Siguro kailangan muna natin ng paghuhugutan para magawa ang isang bagay na kailangan ng pagtitiyaga. Kailangan siguro natin minsan ng inspirasyon para makamit ang habol natin sa buhay, inspirasyon para sa mga pangarap. Siguro kailangan pang may thrill para di boring ang buhay. Siguro ganoon talaga buhay, tulad ng simbang gabi at tulad ng isang kahilingan.

Ngayon na nalalapit na ulit ang panahon ng simbang gabi, magsisimba ako. Hindi para sa isang kahilingan, kundi para manuod ng mga taong nagdadasal at nakuluhod habang natutulog este nakapikit, para manuod ng mga taong pinipilit labanan ang antok ngunit nanaginip na naman at nakabukas ang bibig habang nakahiga sa balikat ng isang estrangherong nagsisimba para sa katuparan ng isang nitong kahilingan.

at para sa puto bumbong at bibingka.

Merry Christmas to all. Happy New Year!